Imbak para sa Hunyo 14th, 2012

Bagyo! Bagyo! Bagyo na naman!

Kasabay ng pagbubukas ng pasukan ng mga estudyante ay tila nagbukas na rin ang pintuan ng Pilipinas para sa mga bagyo. Kamakailan lang ay dumaan sa bansa ang kauna-unahang bagyo sa taong 2012 na si Ambo. Mabuti na lamang at hindi ito nag-landfall ayon sa terminolohiyang ginagamit ng PAGASA o Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration.

Sa ngayon nga ay may dalawa pang sama ng panahon ang binabantayan ng PAGASA at inaasahang ito ay ganap na magiging bagyo sa susunod na mga araw. Ang bagyo ay isang di-maiiwasang pangyayari dahil kalikasan ang nagtatakda nito. Ang Pilipinas ay isa sa mga madalas tamaan ng kalamidad na ito dahil sa lokasyon natin sa mundo. Taun-taon ay hinahagupit ang ating bansa ng malalakas na bagyo at hindi na bago sa atin ang ganitong mga eksena. Pagkatapos ng bagyo ay mamamalas ang mga pinsalang naidudulot nito. Nandiyan ang malawak na baha, mga patay na tao at hayop, mga nasirang pananim at pati mga kabahayan. Sa panahon ng bagyo ay dapat handa ang mga tao. Minsan ng napatunayan na ang kakulangan sa paghahanda ay nagdudulot ng higit na pinsala sa buhay ng tao. Mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan upang mabawasan ang pinsala nito.

Ang bagyo ay tunay ngang hindi maiiwasan. Ngunit kung nakahanda ang mamamayan at pamahalaan ay maaaring pinsala nito ay mabawasan.

Mag-iwan ng puna