Archive for category Isport

Pang-anim sa 26th SEA Games

Pumang-anim lang sa over-all ranking ang Team Philippines sa katatapos na pang-dalawampu’t anim na edisyon ng Southeast Asian Games na ginanap sa Palembang at Jakarta, Indonesia.

Nanguna sa nasabing palaro na ginaganap tuwing ikalawang taon ang punong abala na Indonesia na sinusundan naman ng Thailand, Vietnam, Malaysia at Singapore. Pangpito naman ang Myanmar na siyang susunod na punong abala sa 2013 na edisyon, sunod ang Laos, Cambodia at Timor Leste.

Ang pang-anim na pagtatapos ng Pilipinas sa final ranking ay nakakadismayang pangyayari at hindi ito ang unang beses na nangyari. Malayo ang agwat natin sa mga bansang kalapit lang natin pagdating sa palakasan. Masasalamin dito ang kakulangan ng suporta sa mga atleta. Kung sa ganitong level pa lang ng kompetisyon ay hindi natin magawang makipagsabayan sa ibang mga atleta, paano na kaya kung sa Olympic na kung saan ay higit na mas magagaling ang mga manlalarong makakalaban.

Ang pagsaling ito ng Pilipinas ay paghahanda sa mas higit na antas ng palaro tulad ng Olympic. Matatandaang sa kasaysayan ng nabanggit na palaro ay hindi pa nakakakuha ng kahit isang gintong medalya ang Pilipinas at matagal na ring hindi nagkakamit ng kahit anong medalya mula pa noong 1996 Atlanta Olympic kung saan nagkamit ng kontrobersyal na Silver Medal ang boksingerong si Mansuito “Onyok” Velasco.

Marahil ay epekto na rin ng mahinang suporta ng gobyerno sa mga atletang Pilipino kung kaya’t makikita sa resulta ng palaro ang kahinaan ng bansa.

Kung tutuusin ay maraming makukuhang magagaling na atleta ang Pilipinas dahil sa mahigit na 90 milyong populasyon nito. Ngunit hindi nagiging maganda ang pamamahala ng may hawak sa isport ng Pilipinas.

Matatandaang kinapos rin sa medalya ang RP-16 under team basketball national team dahil sa hindi pinahiram ng mga eskwelahan ang kanilang player dahil nagkataong sabay ang FIBA Asia event sa Collegiate league kung saan kasali ang mga eskwelahan.

Matatandaan rin na buong-buo ang suportang ipinakita ng mga Pilipino kay Manny Pacquiao sa huling laban nito kay Marquez, pati na ang mga kongresista na pumunta pa mismo sa Amerika. Ngunit sa Indonesia, wala ni isang pulitiko ang pumunta. Ganito ang ugali ng mga Pilipino, kung ano at sino ang sikat iyon ang sinusuportahan. Matatandaan rin na parang mga superstar kung ituring ng mga tao ang miyembro ng Philippine Azkals dahil sa pagkapanalo nito laban sa ilang mahihinang koponan. Sa totoo lang ay hindi kagalingan ang ating koponan sa football. Sa ating rehiyon pa lamang sa Southeast Asia ay hindi nito magawang magkampiyon, pero bakit ganun na lang kung suportahan sila ng mga Pinoy? Dahil ba sa sikat? Kung ganito lang ang ating batayan para suportahan ang atleta at hindi sa tunay na husay at galing, makabubuti sigurong tigilan na ang pagsali ng bansa sa mga palaro tulad ng SEA Games.

, , ,

Leave a comment