Posts Tagged Tatlong Sangay ng Pamahalaan ng Pilipinas

Supreme Court versus Malacanang Palace: A Struggle of Powers

Mahigpit ang tunggalian sa kapangyarihan ng dalawang sangay ng pamahalaan ng Pilipinas. Ito ay ang Supreme Court kung saan nakalagay ang kapangyarihang panghudikatura at ng Malacanang Palace kung saan naman nakalagay ang kapangyarihang pang-ehekutibo.

Sa sistema ng pamahalaan ng Pilipinas na may tatlong sangay ng pamahalaan, ang lehislatibo  na pinamumunuan ng Senate President sa mataas na kapulungan at House Speaker naman sa mababang kapulungan ang mga gumagawa ng batas. Ang ehekutibo naman ang tagapagpatupad ng mga batas na iyon. Samantalang ang mga korte ang tagahatol kung may paglabag sa batas. Ang Supreme Court na pinamumunuan ng Chief Justice ang siyang huling tagahatol sa mga kaso. Ito rin ang nagpapasya kung may paglabag sa konstitusyon ang ginawang batas ng lehislatibo.

Paano nga kaya kung mali ang desisyon ng korte suprema? Dapat ba itong sundin at ipatupad ng ehekutibo dahil lang sa prinsipyong sila ang may kapangyarihang magpasya kung tama o hindi ang isang bagay?

Paano naman kung ang tamang desisyon ng korte ay hindi naman sinusunod at ipinapatupad ng ehekutibo?

Sa ganitong sitwasyon dapat na pumasok ang kapangyarihan ng ikatlong sangay ng pamahalaan, ang lehislatibo. Kaya nga ginawang tatlo ang sangay ng pamahalaan para maging balanse ang kapangyarihan ng bawat isa. Hindi pwedeng hayaan ng isang sangay na magrambol ang dalawang kasamahan nito dahil sa magkakaroon ng constitutional crisis na tinatawag. Dapat na kampihan ng isa pang sangay ng pamahalaan ang sa palagay nito ay nasa tamang katwiran. Sa ganitong kalagayan ay may mananalo at hindi mangyayari ang “stalemate” na kung saan ay hindi makagalaw ang pamahalaan dahil sa sitwasyong gamitan ng kapangyarihan.

Sa ngayon ay nangyayari ito dahil sa tahasang pagsalungat ng mga desisyon ng Korte Suprema sa mga patakaran ng pamahalaang Aquino. Na ang nakikita namang dahilan ng kabilang panig ay pulitika dahil sa karamihan sa mga mahistradong sumasalungat ay pawang pinili ng dating pangulo na kaaway sa pulitika at maraming kinahaharap na kaso. Ganito ang nangyayari kapag ang isang institusyon ng pamahalaan ay nahahaluan ng pamumulitika.

Dapat sigurong baguhin na ang sistema sa pagpili ng mga miyembro ng kataas-taasang hukuman. Ipagbawal dapat na maging miyembro nito ang dating nasa pulitika o kumandidato o kaya naman ay naglingkod sa mga nagdaang administrasyon upang maging patas ang kanilang paghuhusga at hindi pinagdududahan. Marami ang magagaling sa batas at kwalipikadong maging miyembro ng mataas na hukuman. Hindi lang sila napipili dahil sa walang impluwensya o koneksyon sa mga may kapangyarihang mamili.

Tulad ng nahahalal na pangulo ng bansa, ang mga kasalukuyang miyembro ng kataas-taasang hukuman ay masasabing hindi naman talaga sila ang pinakamagagaling sa batas at karapat-dapat sa pwesto. Nagkataon lang na malakas ang hatak nila sa maimpluwensyang tagapili. Parang pangulo lang din na kaya nananalo sa eleksyon sa ating bansa dahil sa partido, pera, kasikatan at pandaraya.

Sa pagitan ng nag-uumpugang bato ay nasa gitna ang buhay ng mga mamamayang Pilipino. Sino man ang manaig ay talo ang mga tao. Sapagkat naperwisyo ang serbisyo ng pamahalaan na dapat ibigay sa kanila. Malaking oras rin ang naaksaya.

Bilang isang demokratikong bansa ay nasa tao ang kapangyarihan para di na maulit ang ganitong pangyayari sa mga susunod na panahon. Sa susunod na eleksyon ay pumili, iboto at suportahan ang nararapat at may kakayahang mamuno. Ito ang ating kapangyarihan na mas higit pa sa pinagsamang kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan.

, , , ,

Mag-iwan ng puna