Pangarap kong maging…. Balang Araw

Bawat tao ay may minimithing pangarap simula pagkabata at hindi ako naiiba sa kanila. Simple lang akong tao,  galing sa mahirap na pamilya at kasalukuyang nagsusumikap sa buhay. Nakapagtapos rin ako sa kolehiyo bagamat ito ay hindi kasin-tayog tulad ng pinapangarap ko noon.

Sa lagay ng buhay ko ngayon ay masasabi kong hindi ako kuntento sa aking narating. Hindi ito ang buhay na pinangarap kong maging balang araw noong ako ay bata pa lamang at punom-puno ng pangarap. Ngunit hindi ko naman masasabi na maramot sa akin ang tadhana. May trabaho ako at kahit papano ay kumikita, bagamat tulad ng karamihan ay kinakapos pa rin at hindi makabili ng mga may luhong gamit. Mas pinapangarap ko ang magkaroon sana ng higit na mas magandang buhay at makadama ng kaginhawahan.

Noong bata ako ang gusto ko sana ay maging inhenyero at hanggang sa ngayon ay pilit kong inaabot ang pangarap na ito. Sa katunayan, habang nagtatrabaho ay nag-aaral ako sa isang pampublikong kolehiyo. Ngunit sadyang mahirap pagsabayin ang dalawang bagay sa buhay ng tao. Kailangan kong mamili kung alin sa dalawa, ang magpatuloy sa pag-aaral o magtrabaho.  Sa ganitong sitwasyon ay wala naman talaga akong mapagpipilian pa kundi ang tumigil sa pag-aaral. Kailangan ko ang trabaho para makatulong sa aking pamilya at maitaguyod ang aking mga pansariling pangangailangan. May solusyon pa sana para matupad ko ang makapagtapos ng inhenyero. Ito ay ang mag-aral sa pribadong eskwelahan dahil sa mas maganda ang iskedyul na maibibigay sa akin at hindi makakaapekto sa aking trabaho. Pero ito ay parang suntok sa buwan. Sa sobrang taas ng Tuition Fee at bayarin sa mga pribadong paaralan ay parang di na yata ako kakain para makapagbayad ng kanilang matrikula. Samantalang sa mga pampublikong paaralan naman ay walang maayos na iskedyul na maibibigay. Bukod sa hirap na pagpa-process ng mga documents at mahabang pila, ikaw na mismo ang susuko sa patakaran nila.

Lumalakad ang panahon para sa akin. Wala pa ring pagbabago sa buhay ko magmula ng makapagtrabaho ako. Bilang isang manggagawa, nananatiling maliit ang kita ko. Tila walang pakiaalam ang may-ari ng kumpanya sa mga pangangailangan ng empleyado nito. Ang mahalaga sa kanila ay makatipid at tumubo ng malaki.

Sa kalagayan ko ngayon, masasabi kong mapalad pa naman ako kesa sa ibang tao. Kahit papano ay may trabaho ako at may tinapos. Pero mas malayo pa sana ang mararating ko kung makakapagtapos ako ng kursong pinangarap ko mula pa pagkabata. Magbigay sana ng daan ang pamahalaan para matupad ko ito at hindi sana sila maging sagabal nito.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s