Sementeryo: Pansamantalang tagabuklod ng mga Nabubuhay at Patay na Tao

Ngayong Araw ng mga Patay o mas tamang sabihing Araw ng mga Santo (nakaugaliang ipagdiwang ng mg Pilipino ang Araw ng mga Patay tuwing Nob. 1, sa halip na Nob. 2 na syang idineklara ng simbahan dahil naniniwala tayo na ang ating mga kapamilyang namatay na ay mabait at maituturing na rin na santo) ay abala na naman ang mga tao sa pagbisita sa kanilang mga mahal sa buhay. Ang mga sementeryo ang siyang pansamantalang nagbubuklod sa pamilyang winasak ni kamatayan. Nagiging instant reunion ang tagpo at nagkikita-kita ang magkakamag-anak na matagal ring pinaghiwalay ng oras at panahon. Siksikan sa loob ng mga pampublikong libingan samantalang maayos at maaliwalas sa mga pribadong hantungan.

Tayong mga Kristiyanong Pilipino ay mapagmahal kayat kahit sa kabilang buhay ay di natin nakakaligtaan ang ating mga yumaong mahal sa buhay. Nangingibabaw ang ating pagmamahal na makikita sa sobrang kalungkutan natin tuwing pumapanaw ang isang kaibigan, kakilala o miyembro ng pamilya. Ang kamatayan daw ay parang magnanakaw, kusang dumarating sa panahong di mo inaasahan. Ginawa siguro ito ng Panginoon upang hindi tayo matakot sa tuwing iisipin natin ito. Masakit siguro ang mamatay, pero hindi bat ito ang pinakamabisang paraan para matapos na ang sakit na halos di na natin makaya. Kung walang kamatayan ay mas lalong nakakaawa tayo. Paano na ang mga may-sakit, ang may sugat at may dinaramdam na problema? Habambuhay ba nilang titiisin ang kirot at hapdi?

Sa ibat-ibang paraan namamatay ang tao, may paraang natural at katanggap-tanggap. Samantalang meron namang karumal-dumal at wala sa panahon. Merong namamatay sa aksidente, sakit, biktima ng pagpatay ng kapwa tao at kusa na lang na di nagigising o kaya naman ay sa katandaan. Sa panahong ito ay ating naaalala hindi lamang ang mga namatay na mga kamag-anakan kundi pati na rin ang ating sariling kapalaran. Tayo ay tao rin, isang mortal at patungo rin sa kanilang kinasasadlakan.

Mapapansin din natin na hanggang sa huling hantungan ay napakalayo ng agwat ng mayayaman sa mahihirap. Kalunos-lunos ang kalagayan ng ating mga libingang pampubliko. Maihahalintulad sa tirahan ng mga iskwater, siksikan, patong-patong at walang kaayusan. Kung dati ay kinatatakutang lugar ito ngayon ay ginawa ng tirahan ng mga tao. Samantalang mala-hardin naman at parang pasyalan lang ang sa mga pribadong libingan.

Sana ay magkaroon ng programa ang gobyerno na kahit sa huling hantungan ay maging maayos ang kalagayan ng mga mahihirap na Pilipino. Sabagay kapag patay na raw ang tao ay hindi na mahalaga ang makamundong kagandahan o ng maayos na libing at libingan. Ang importante raw ay tahimik at payapang buhay sa piling ng Panginoong lumikha. Magkagayunpaman, bilang mga taong nasa mundo pa ay dapat nating irespeto ang tahanan ng mga taong nasa kabilang buhay na. Huwag katakutan ang kanilang bahay, at wag gambalain ang tahimik nilang buhay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s