Conditional Cash Transfer

Bilyung-bilyong pera ang ginugugol ng pamahalaang Aquino sa programang tinatawag nilang Conditional Cash Transfer. Ito ay isang programa na kung saan ay inaalam ng pamahalaan ang pinakamahihirap na pamilya sa buong Pilipinas at sinusustentuhan buwanan ng pamahalaan sa halagang mahigit isanlibong piso kapalit ang ibat-ibang kondisyon tulad ng buwanang pagpapacheckup ng isang ina sa health center at ang pagpasok sa eskwelahan ng mga bata. Maganda ang layunin ng nasabing programa. Ito ay naglalayong isalba sa kahirapan ang mga mamamayang nalulunod sa kumunoy ng kahirapan. Ngunit nitong nakaraang buwan lang ay lumabas ang isang survey na patuloy pa rin ang nararanasang taggutom sa bansa.

Ayon sa survey ay milyong pamilyang Pilipino ang nagugutom araw-araw. Kung ating iisipin ay parang hindi naging epektibo ang pamamalakad ng nasabing programa. Ang nakakalungkot pa dito ay ang pagtaas pa ng budget ng nasabing programa. Paano naman ang kalagayan ng iba pang ordinaryong Pilipino na hindi kabilang sa nasabing programa? May karapatan din naman sila sa iba pang serbisyo ng pamahalaan tulad ng edukasyon at kalusugan. Ang dapat sigurong gawin ng gobyerno ay alamin ang ugat ng kahirapan at bigyan ito ng permanenteng lunas at hindi ang panandaliang solusyon. Noong mga nagdaang administrasyon ay wala naman ang nasabing programa na tila namumudmod ng pera. Bakit ngayon ay nagkaroon ng nasabing programa at parehas lang naman ang datos ng kahirapan. Ang totoong sanhi ng kahirapan sa bansa ay ang kawalan ng trabaho ng pamilyang Pilipino. Gamitin na lang sana ang nasabing salapi sa mga proyektong makapagbibigay ng trabaho tulad ng paggawa ng tulay, kalsada at mga gusali. Ayon nga sa isang kasabihan “Dont give a fisherman a fish because it will only last for a day. Give them a fishing net it will last forever”. Permanenteng pagkukunan ng ikinabubuhay ang sagot sa kahirapan sa bansa pero tila walang balak ang gobyerno sa pangmatagalang solusyong ito. Mas pinapaboran kasi ng pamahalaan ang mga kapitalista kumpara sa mga manggagawa. Nandiyan ang kontrakwalisasyon at malawakang tanggalan sa trabaho.

Kung gusto ng pamahalaan na tuluyang masugpo ang kahirapan ay dapat pagtuunan nito ang pangmatagalang solusyon. Dagdagan man nila ng triple ang budget ng CCT ay hindi nito masusugpong ganap ang kahirapan. Kung ang may mga trabaho nga na kumikita sa halagang mas higit pa sa ibinibigay nila sa mga mahihirap na miyembro ng CCT ay nakakaranas ng kahirapan at gutom, e pano pa kaya ang mga ito na kakarampot lang naman ang natatanggap. Hindi ang CCT ang lunas sa kahirapan at taggutom ng mga Pilipino kundi trabaho. Makalipas kasi ang anim na taon ay magpapalit ng administrasyon at sa pagkakataong ito ay maaring hirap pa rin ang mga mahihirap.

Baguhin ang patakaran sa trabaho. Tanggalin ang kontrakwalisasyon, mag-isip ng mga alternatibong magbibigay ng maraming trabaho at ipamahagi ang mga lupa sa mahihirap na magsasaka. Ito ang maaring ganap na makakalunas o makakabawas sa kahirapan ng bansa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s