Salamat sa Trapik!

Nagmamadali ako sa pagpasok sa trabaho isang umaga. Hindi naman kalayuan ito sa tinutuluyan ko pero sadyang matrapik lang talaga sa rutang dinadaanan ko. Ewan ko ba at parang buwan-buwan yata ang pagbubungkal ng kalsada sa may Service Road. Ginagawa daw iyon para maging maayos ang serbisyong pantubig ng pamahalaan.

Pagsakay ko ng Jeep ay may nakita akong lalaki na kamukha nung kaklase ko nung high school kami sa probinsya. Matagal-tagal ko na ring di nakikita ang classmate kong sinasabi. Napatingin ako sa kanya, pinagmasdan ko ng mabuti. Medyo nagbago na ang kanyang hitsura pero ganun pa rin ang kanyang taas. Nang mapatingin siya sa akin ay tila nangingilala rin ito. Parang nagkakaalanganan kami kung sino ang unang babati. Syempre ako ang unang bumati. Alam ko na siya nga iyon.
“Kumusta”, ang bati ko sa kanya.
“Mabuti naman”. Sagot naman nito.
At nagkwentuhan kami ng matagal- tagal rin. Hanggang sa umusad na ang sasakyan at namalayan ko na lang na pababa na pala ako.

Salamat na lang at trapik nung araw na iyon. Muli ko siyang nakita at mahaba-haba ang aming naging kwentuhan gamit ang salitang pamprobinsya. Na-late man ako sa trabaho at nawalan ng benifits sa perfect attendance na binibigay ng aming kumpanya ay isang pambihirang pagkakataon naman ang muli ay makakwentuhan ang isang taong naging bahagi ng buhay mo.