Naagawan ka na ba ng Cellphone?

Galing akong trabaho nung mga oras na iyon. Sa dinami-dami ng dyip na dumaan, ewan ko ba kung bakit ako napasakay doon. Siguro dahil sa mas gusto kong sumasakay sa maluwang na sasakyan. Yung mga nauna kasi ay halos punuan na.

Ang malas pa pagkasakay ko ng dyip ay pinahinto ito ng skyway police. Nagsasakay pa kasi ng mga pasahero ang drayber kahit nakaabante na ang ilang sasakyan, mabagal ang daloy ng trapik noong panahong iyon dahil sa oras ng uwian. Halos nagkakasabay-sabay ang mga sasakyan. Buti na lang ay napakiusapan ni manong drayber yung nanghuli sa kanya. Nagbigay na lang ito ng babala. Maya-maya pa ay balik normal na ulit ang biyahe. May bumababang pasahero at meron din namang sumasakay. Abala ako noon sa pagpi-facebook. Medyo bago pa lang ako noon sa pagpi-facebook at nakagawian ko na parang libangan ang madalas na pag-login dito. Nang malapit na kami sa terminal ay may tatlong lalaki ang biglang lumitaw sa may kanto at pinara ang dyip na aming sinasakyan. Tinigilan naman ang mga ito ng drayber. Ang buong akala ng lahat ay sasakay ang mga iyon. Mali ang inakala namin. Pumunta lang ito sa gilid at nanghablot ng cellphone. At isa sa mga nabiktima ay ako. Iba-iba ang reaksyon ng mga kasakay ko. Ang kaharap ko mismong babae ay sobrang kinabahan. Samantalang ako ay natigilan. Di ko kasi akalain na mangyayari sa akin ang bagay na iyon. Sa madaling salita, nahablot nga ang pinakamamahal at iniingatan kong cellphone. Nagawa ko pang makipag-agawan ng ilang segundo, pero ako na mismo ang kusang bumitaw sa bagay na nagpapasaya sa akin. Naisip ko kasi na baka yon pa ang maging mitsa ng buhay ko. Oo, mahalaga sa akin yun, pinaghirapan ko yun, pero maari ko namang mabili ulit ang bagay na yon. Kung manlalaban pa ako baka ikamatay ko. Saksakin ako sa likod o baka barilin. Mabuhay man ako ay di hamak na mas malaki ang gastos di ba?

Lungkot at panghihinayang ang nadama ko pagkatapos ng nasabing pangyayari. Naiinis ako at naaasar. Pero pinilit ko na lang na manahimik. Gusto ko sanang pumunta ng NTC upang ipa-block ang nasabing cellphone para makganti man lang, kaya lang isang malaking abala pa iyon sa akin. Kung magrereklamo naman ako sa pulis, maibabalik ba sa akin ang cellphone ko? Lumipas ang mga araw at buwan ngunit naalala ko pa rin ang mga bagay na iyon. Tama nga ang kasabihang “ang mga magnanakaw ay dumarating sa oras na di mo inaasahan”.

Ang mahalaga ay may natutunan ako sa nasabing pangyayari. Huwag na huwag maglalabas ng cellphone sa Jeep o sa pampublikong lugar. Maging mapagmasid sa mga taong kasabay sa dyip. Kung magiging maingat lang tayo maiiwasan natin ang ganitong pangyayari.

Makalipas ang ilang buwan ay may bago na ulit akong cellphone. Siyempre mas maganda kumpara dun sa naagaw sa akin. At sinisiguro kong mas iingatan ko na ito ngayon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s