May Pag-asa pa ba?

Ayoko sanang isipin na wala ng pag-asang mabuhay ng matiwasay ang mga Pilipino pero sadyang ito ang nagdudumilat na katotohanan. Sabi nila at madalas kong marinig na habambuhay ay may pag-asa, pero paano ka aasa kung alam mo naman na wala na talaga? Sa mga nangyayari sa lipunan ay pawang imahinasyon na lang siguro kung sasabihing may pag-asa pa ang masaganang buhay para sa mga Pilipino.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagtaas ng mga pangunahing  bilihin samantalang nananatiling mababa ang pasahod sa mga manggagawa. Ito ay hindi makasapat sa pangangailangan ng mga mamamayan, habang ang mga negosyante ay nagtatampisaw sa laki ng tinutubo nila sa mga negosyo.

Hindi rin maganda ang ibinibigay na serbisyo ng pamahalaan sa mga tao. Sa larangan ng edukasyon ay kapansin-pansin ang mga suliraning noon pa man ay problema na ng bayan. Siksikan sa mga silid-aralan, walang maayos na pasilidad, kakulangan sa mga guro at mga aklat na gamit sa pagtuturo, at napakataas na matrikula sa mga pribadong paaralan. Ilan lamang ito sa mga suliraning pang-edukasyon. Sa pangkalusugan naman ay kapansin-pansin ang mga namamatay na mga pasyente dahil sa hindi makakuha ng sapat na atensyong medikal. Nandiyan rin ang mga kalsadang baku-bako at mga daang halos di madaanan lalo na sa mga probinsya.

Mas malala pa pagdating sa hustisyang panlipunan. Napakalayo ng agwat ng mahirap at mayaman pagdating sa hustisya. Mas lalong higit kapag maimpluwensya at may posisyon sa pamahalaan. Maraming mahihirap ang nakakulong at nagdurusa dahil sa kasong pagnanakaw samantalang ang mga mandarambong na tulad ng dating Pangulong Estrada ay agad na pinalaya dahil sa pulitika. Kapag nahuli ang isang suspek pa lang sa krimen ay ipinapalabas agad ito sa telebisyon ng “live” samantalang ang dating pangulo ay itinatago sa publiko pati ang “mug shot” nito. Bukod pa rito ay magagara ang kanilang kulungan samantalang napakabigat ng kanilang nagawang kasalanan. Nasaan ang pagkakapantay-pantay ng tao pagdating sa hustisya?

Napakahirap din maghanap ng trabaho sa bansang Pilipinas, kung kayat kapag may opurtunidad ay pinipilahan ng mga naghahanap ng trabaho. Sa wala pang isandaan na bakante ay libo ang nag-aaplay. Marami pang diskriminasyon ang nangyayari. Kailangan pasok sa mga hinahanap ng isang kumpanya ang kasarian, edad, pinag-aralan, taas at kung anu-ano pa na labis nagpapahirap sa mga aplikante. Yung mga walang mahanap na trabaho sa sariling bansa ay nagpapasyang mangibang-bayan para doon magpa-alila kapalit ng hindi kataasang sahod.

Paulit-ulit lang ang buhay sa Pilipinas. Kapag namatay ang mga pulitiko ay anak naman nito ang papalit sa pwesto. Mga anak na bata pa lang ay mulat na kung papano magnakaw sa kaban ng bayan.

Nandiyan din ang mga tamad at bastos na empleyado ng gobyerno na akala mo ay kung sino. Tahasan ang “palakasan” at korapsyon sa mga ahensya ng pamahalaan.

Hay! Diyos ko po, ang dami ng problema ng bansa. Noon, ngayon at bukas at huwag naman sanang magpakailanman. Masakit pero totoo ang huli. Wala akong nakikitang pag-asa na bubuti pa ang kalagayan ng mga Pilipino dito sa bayang Pilipinas. Tila mas gusto kasi ng mga pulitiko na patuloy na maghirap at mangmang ang mga mamamayan nito upang madali nilang mapaikot at makuha ang boto nito. Sa ganitong paraan ay patuloy ang kanilang paghahari-harian habang ang bansa natin ay  walang pag-asa magpakailanman.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s