Bakit ba mahirap magnegosyo sa Pilipinas?

Ang Pilipinas daw ang isa sa mga bansang pinakamahirap pagtayuan ng negosyo ayon sa isang survey. Hindi na nakakapagtaka kung bakit kakaunti ang mga negosyong pumapasok sa bansa. Noong isang taon ay lumabas sa artikulo ng kilalang website sa Pilipinas na tila ba ay iniiwasan ng mga negosyante ang Pilipinas. Karamihan kasi sa tinatawag na direct foreign investment sa ASEAN region ay hindi napunta sa Pilipinas bagkus ay sa mga karatig bansa nito gaya ng Vietnam, Thailand, Malaysia at Indonesia.

Bakit nga kaya? Isa sa nagpapahirap sa paglalagak ng negosyo sa Pilipinas ay ang pagkuha ng mga dokumento para makapagnegosyo. Ibat-ibang papeles ang kinakailangang kunin ngunit hindi naman ito nakukuha agad-agad. Kinakailangan pang magpunta sa ibat-ibang tanggapan ng pamahalaan para sa pag-proseso ng sari-saring papeles. Maihahalintulad din ang pagpoproseso ng pagnenegosyo sa pagkuha ng mga papeles ng isang indibidwal. Kamakailan lang ay kumuha ako ng barangay clearance. Kung sa ibang barangay sa bansa ay napakadali ng pagkuha ng nabanggit na dokumento ay tila naiiba naman dito sa aming lugar. Kinakailangan pa kasing hagilapin ang purok lider sa amin upang papirmahin ito sa application form. Kung mamalasin pa at nagmamadali ka ay saka naman nawawala ang taong hinahanap. Sa totoo lang ay malaking pahirap ang nabanggit na proseso dahil sa dami ng kabahayan ay kailangan mo pang hagilapin iyon. Maari kang makagat ng aso sa paghahanap- ganito kaimportante ang pirma ng mga taong wala naman halos naiaambag sa komunidad, pahirap sa kanilang konstityuwente. Sa Maynila ay tipikal na ang hindi halos magkakila na magkakapit-bahay hindi tulad sa probinsya. Naihambing ko tuloy ang pagkuha ng barangay clearance sa pagkuha ng mga dokumento sa pagnenegosyo sa ating bansa. Bilang isang pangkaraniwang mamamayan ay hindi ko nagustuhan ang karanasan ko sa pagkuha ng isang papel pa lang,  eh! paano pa kaya ang nararamdaman ng isang dayuhang mamumuhunan na hindi hamak na sangkatutak na papeles ang dapat kunin tulad ng DTI Permit, Bureau of Fire Protection Permit, Barangay Permit at iba pang kaukulang dokumento na kinakailangang kunin sa ibat-ibang sangay ng pamahalaan. Bukod sa pagod at pera ay nauubos din ang kanilang oras para dito. Sa ganitong sitwasyon ay hindi na ako nagtataka kung bakit tila ba ay iniiwasan ng mga negosyante ang ating bansa pagdating sa pamumuhunan. Bakit ba sila magtatayo ng negosyo sa bansang gaya ng Pilipinas na ubod ng pahirap sa panimula pa lang ng pagnenegosyo kung may mapupuntahan naman silang kalapit-bansa gaya ng Vietnam, Thailand, Malaysia at Indonesia na madali lang ang proseso.

Sa munting bagay gaya ng pagkuha ng barangay clearance ay maari nating masalamin ang pangkabuuang kalagayan ng bansa. Dahil ayon nga sa kasabihan, “Ang malaking bagay ay nagsisimula sa maliit”, gaya ng kanser na nagsisimula sa munting bukol.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s