Paalam at Salamat DILG Sec. “Mayor” Jesse Robredo

image
imahe mula sa newsinfo.inquirer.net

Nakakalungkot ang nangyaring trahedya at pagkasawi ni DILG Sec. Jesse Robredo nitong nakaraang araw dahil sa pagbagsak ng kanyang sinasakyang eroplano sa karagatan ng Masbate. Ayon sa ulat ay biyaheng Cebu papuntang Naga City ang pribadong eroplano na sinakyan ng kalihim dahil nagmamadali itong umuwi para sa kanyang anak na bibigyan ng parangal. Sa halip na biyaheng Cebu papuntang Manila at Manila papuntang Naga ay napilitan itong sumakay ng pribadong eroplano upang makauwi agad sa kanyang pamilya. Sino nga ba ang mag-aakala na ang malusog at masigasig na kalihim ay mawawala ng biglaan? Isa ako sa mga umasa ng himala na sana ay nakaligtas siya at napadpad sa isang isla ngunit matapos ang isinagawang “search at retrieval operation” at makita ang kanyang katawan ay isang mapait na katotohanan ang masakit tanggapin. Wala na ang mabait at isang huwaran pagdating sa tapat at malinis na pamumuno sa pamahalaan.

Minsan tuloy ay naitatanong ko kung bakit sa dinami-rami ng mga pulitiko sa ating bansa ay bakit si DILG Sec. Jesse Robredo pa ang maagang kinuha ng Diyos? Marahil nga ay totoo ang kasabihang ang mababait ay maagang kinukuha ni “Lord” at ang “masamang damo” ay matagal mamatay. Nakakapanghinayang talaga ang maagang pagkawala ni DILG Sec. at dating Naga City Mayor Jesse Robredo. Sa mga hindi po nakakaalam ay naiiba sa lahat ng pulitiko ng bansa si Jesse Robredo. Isa lang naman siya sa iilang Pilipino na tumanggap ng prestihiyosong Ramon Magsaysay Award pagdating sa husay at galing sa pamumuno sa pamamahala. Kahit ang mga “sikat at kilalang” pulitiko sa ating bansa ay hindi nakatanggap ng ganoong pagkilala. Ang Ramon Magsaysay Award ay ang katumbas ng Nobel Peace Prize sa Asya -ang maituturing na pinakamataas na award-giving body sa mundo. Si dating Naga City Mayor at DILG Sec. Jesse Robredo ay Finalist din sa World City Mayor dahil sa kanyang nagawa sa Naga City na itinuturing na isa sa pinakamaunlad na lungsod sa Bicol. Nagtapos din siya sa John F. Kennedy School of Government ng tanyag na Harvard University. Sa kanyang kababaang loob ay halos hindi batid ng mga Pilipino ang ganitong mga pagkilala sa natatanging Jesse Robredo. May mga pulitikong nagsasabing may mga kabiguan ang DILG Secretary halimbawa ay ang di pagkakahuli kay Palaparan ayon sa ACT Party list representative. Ang mga taong iyon ay magaling lang pumuna sa mga negatibong bagay ngunit di hamak na mas magaling sa kanila si Jesse Robredo. Kung hindi karapat-dapat si Robredo sa kanyang tungkulin ay mas lalo na siguro sila dahil di hamak na mas maganda ang credential ng nasabing tao.

Biglaan nga ang pagkawala ni dating Naga City Mayor at DILG Sec. Jesse Robredo ngunit marahil ay may dahilan ang Diyos. Maaring ito ay isang paalala sa mga Pilipino upang gawin siyang huwaran. Sa pagkawala ng isang mahusay na lider ng ating pamahalaan ay maaring sampu ang makapalit sa kanya. Magsilbi sanang isang batong inihagis sa tubig ang pagpanaw ng natatanging Jesse Robredo upang magkaroon ng maraming bula na kung saan ang mga bulang iyon ay ang mga bagong mahuhusay at tapat na pinuno at kinatawan ng ating bansa. Magsilbi sanang isang kahoy ang kanyang pagkamatay upang magbigay ng lilim sa mga Pilipinong pagod na sa masamang pulitika sa bansa- na mayroon pa palang pulitiko na katulad ni Mayor Jesse Robredo na nanunungkulan ng mahusay, tapat at hindi gumagamit ng dahas upang mapasunod ang nasasakupan. Mamunga sana ang ibinigay na pagsubok na ito ng Diyos sa bansa upang makatikim ang mga Pilipino ng pag-asa mula sa kadiliman ng maraming masasamang pulitiko ng bansa.

Ayon nga sa huling talumpati ng yumaong dating Naga City Mayor at DILG Sec. Jesse Robredo, “malapit nang masilayan ng mga Pilipino ang liwanag ng bansa” at naniniwala ako dahil ang pagpanaw niya ay maaring mitsa upang ganap ng magliwanag ang bansang Pilipinas.

Paalam at Maraming Salamat ex-Naga City Mayor at DILG Sec. Jesse Robredo.

RIP Jesse Robredo (1958-2012) at sa kanyang mga kasamahan sa sinawing palad na eroplano.

2 thoughts on “Paalam at Salamat DILG Sec. “Mayor” Jesse Robredo”

  1. Saludo po ako kay DILG Sec. Jesse Robredo! Isang modelo ng mamamayang bansang Pilipinas. Hindi man po kita nakita at nakausap ako naman po iyong taga-hanga dahil sa inyong kabutihang ginawa sa bayan ng Naga. At alam ko ito na po ang simula ng pag-unlad ng bansang Pilipinas. Maraming salamat sa inyo.

  2. salulo din ako sa iyo dilg sec. jesse robredo dahil sa iyong ginawa dito sa ating mundo at sana masaya kana sa iyong bagong mundo. salamat po.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s