Chief Justice Ma. Lourdes Sereno

Taliwas sa inaasahan ko, hindi si Assoc. Justice Antonio Carpio ang hinirang ni Pangulong Aquino bilang kapalit ni Impeached Chief Justice Renato Corona kundi si Assoc. Justice Ma. Lourdes Sereno. Si Chief Justice Sereno ay ang kauna-unahang mahistrado ng Korte Suprema na hinirang ni Pnoy mula ng maupo siya sa pwesto. Kilala si Assoc. Justice Sereno bilang “dissenter” o madalas na tumutol sa “majority decision” na tinatawag.

Sa totoo lang ay wala naman akong nakikitang kamalian sa paghirang ng pangulo sa pinakabatang miyembro ng Korte Suprema. Mas makakabuti pa nga ito sa pamamalakad ng Kataas-taasang Hukuman dahil magkakaroon ng mahabang panahon si Justice Sereno na maipatupad ang mga programang dapat para sa hustisya ng bansa. Nitong mga nagdaang panahon kasi ay masyadong maikli ang itinatagal na paninilbihan ng punong mahistrado dahil pagsapit ng edad na pitumpo ay kailangan na nitong magretiro. Naging tradisyon na kasi ang tinatawag na “seniority” sa pagpiling ng mga nagdaang administrasyon. Ano kaya ang naging reaksyon ng kampo ni Assoc. Justice Antonio Carpio? Si Assoc. Justice Carpio ay ang matunog na pangalan para sa nasabing posisyon at sa katunayan ayon sa akusasyon ng na-impeached na Chief Justice Renato Corona ay nag-aambisyon ito sa nasabing posisyon. Kung sa larangan ng kaalaman sa batas ay wala tayong maipipintas kay Justice Carpio pero marami rin naman ang bulung-bulungan patungkol sa mga kamalian nito. Isa na rito ay ang akusasyon ni Lauro Vizconde na kung saan ay diumano inimpluwensyahan nito ang ilang miyembro ng Korte Suprema upang pumabor sa kampo ni Webb at ipawalang sala ang mga akusado.

Bukod sa edad at akusasyon ng pagkiling sa kasalukuyang administrasyon ay wala halos maipintas kay bagong Chief Justice Sereno. Bagamat isa siyang madalas na “dissenter” ay may katwiran naman ang mga posisyon niya at pangangatwiran na sa katunayan para sa akin ay mas katanggap-tanggap pa kumpara sa majority decision.

Sa pagkakahirang kay Sereno bilang Chief Justice minsan pang pinatunayan na walang pangulo ng bansa ang maglalagay ng kaaway sa pwestong makakaapekto sa kanyang pamamalakad. Hindi na dapat umasa pa ang katulad nina Assoc. Justice Teresita Leonardo-de Castro na madalas ay tutol ang naging desisyon sa pamamalakad ni Pnoy dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na sa Pilipinas mas importante ang kakampi kaysa sa kakayahan.

Hindi dapat na magdamdam ang sinuman kung bakit hindi sila ang nahirang na punong mahistrado dahil lahat naman sila ay iisa lang ang dahilan kung bakit nasa pwesto- hindi dahil sa kakayahan o katalinuhan, mas malamang ay malapit sila sa administrasyon o may “backer” sila o dahil may maimpluwensyang taga-labas ang nag-udyok upang mailagay sila sa posisyon.

Hindi lamang ang labinlimang miyembro ng Korte Suprema ang magaling pagdating sa batas. Mas marami ang nasa labas ng Korte Suprema ang magagaling, nagkataon lang na bukod sa matalino ay may kakilala pa ang mga ito kaya nasa posisyon sila.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s