Walang Silbing “Cease-Fire”

Nakakalungkot ang sinapit ng ating kasundaluhan sa Basilan nitong nakaraang araw at sinundan pa sa Zamboanga Sibugay. Hindi ito ang unang beses na nangyari sa ating kasaysayan. Ilan sa kanila ay nahuli pang buhay at kalaunan ay pinatay rin. Ito ay sa kabila ng umiiral na ceasefire sa pagitan ng gobyerno at MILF. Marami na namang pamilyang Pilipino ang naulila: mga magulang na nawalan ng anak; mga asawa na namatayan ng kabiyak at mga anak na inulila ng ama.

Inamin ng MILF na sila ang may responsable sa mga pangyayari. Tila baga ang gobyerno ay nakikipag-usap sa kabilang panig pero wala namang kontrol ang mga ito sa kanilang miyembro kung kaya’t basta na lang umaatake ng marahas at patraydor. Nakikipagsabwatan pa ang mga ito sa teroristang Abu-Sayyaf.  Ang masaklap pa dito ay hindi naman makaganti ang mga sundalo dahil ang pamahalaan na mismo ang pumipigil sa kanila dahil sa “ceasefire” diumano. Ano bang kahangalan ng gobyernong ito? Ang mga miyembro ng militar ay kahit anong oras pwedeng atakehin ng MILF pero ang MILF ay di pwedeng atakehin ng militar?

Galit at pighati ang nararamdaman ng mga naulilang pamilya, pero para bang ang militar pa ang sinisisi ng pangulo sa mga pangyayari. Bakit hindi ang MILF? Ilang sundalo pa ba ang malalasag bago makamit ang ganap na kapayapaan sa Mindanao?

Sadyang mahirap nga ang gyera at walang nanalo lalo na kung sa sariling bayan laban sa kapwa Pilipino. Pero kung sadyang ito lang ang paraan para makamit ang kapayapaan, bakit hindi muling subukan? Ilang matataas na opisyal na nga ng pamahalaan ang nagsuhestyon at  mga dating sundalo at kasalukuyang nasa serbisyo.